Pink home
×

Notice

Folder doesn't exist or doesn't contain any images

SOCA 2014

SOCA 2014                                                                                                                         

August 28, 2014

___________________________________________________________________

                Magandang Umaga po sa inyong lahat.

                Bilang mga Calambeñong tunay na nagpapahalaga sa kinabukasan ng ating lungsod, ang araw na ito ay pagkakataon, hindi lamang upang magpasalamat sa nagdaang dalawang daan at pitumpu’t dalawang (272) taon….mga taon ng magiting na pakikibaka upang makamit ang kasarinlan, ng mapunyaging pagsisikap upang makabuo ng isang maayos na pamayanan at ng matalinong pamamahala upang makamit ang sariling tatak ng kaunlaran.  Ito ay isa ring paala-ala ng ating tungkulin na lumingon sa makulay nating kasaysayan matuto sa mga aral na iniwan nito  at gamitin iyon sa pagtahak sa landas upang ang dating tahimik at simpleng PUEBLO na tinatawag na TABUKO  ay maging isa ngayon sa pinaka-maunlad na siyudad sa buong bansa. 

                Noong Abril ay nagbigay ako sa inyo ng aking UNANG ULAT SA LUNGSOD.  Bagama’t bago sa tungkulin bilang Alkalde, sinabi ko sa inyo na maliwanag sa akin ang direksyong gusto kong puntahansa panahon ng aking panunungkulan.  At ngayon, apat na buwan pagkatapos noon, nais kong magbigay muli ng ulat upang malaman ninyo ang estado ng ating mga programa.

                Pitong buwan na nating ginagawa ang SERBISYO CARAVAN.  Simula Pebrero hanggang ngayon, dalawampung (20) barangay na ang ating nadalaw kung saan dinala natin ang iba’t-ibang serbisyo ng ating pamahalaan.              Sa 20 barangay na ito, mahigit 7 libong pasyente and kumunsulta at nabigyan ng kaukulang pansin ng ating City Health Office. Nagsagawa ng Feeding para sa may 4 na libong bata ang ating Nutrition Office.  Nagbigay ng anti-rabies shots para sa mga aso ang ating Veterinary Office. Tulong sa mahigit na 3 libong registrants naman ang ibinigay ng Tanggapan ng Civil registry at nagbigay ng payo sa mahigit 2 libong tao ang ating City Legal Office.  Nakapamahagi tayo ng 130 certificates para sa mga lilipatang bahay sa ating relocation sites sa pamamagitan ng ating Housing Department.  Ang Cooperatives Deparment naman ay namahagi ng 25 Food Carts at 51 na Pedicabs na pagsisimulan ng hanap-buhay ng ating mga kababayan.  Nakipag-ugnayan ang Tanggapan ng IIPESO sa mga kumpanya at establisyamento upang mabigyan ng trabaho ang mahigit labing isang libong aplikante na dumulog sa ating mga Job Fairs.  Upang makatulong sa pagkakaroon ng self-sufficiency sa pagkain, namahagi ng vegetable seedpacks ang Agriculture Office para maitanin sa mga likod-bahay. Ang ating mga social services, kabilang ang pagpapatupad ng 4 P’s ay pinaliwanag ng ating Social Services Office, at tumulong sa pagpapa-rehistro ng mga senior citizens and staff ng ating OSCA.  Dinumog naman ng mga nais mag-relax at magpa-ganda ang mga serbisyo ng ating Manpower Center. Sa kabuuan, may 40 libong katao ang nakatanggap ng tulong mula sa Serbisyo Caravan sa 20 barangay pa lamang. 

                                                                                                                                                                                               

Sa tulong ng iba pang mga departamento, lalo na ng aking mga staff sa aking tanggapan, naniniwala ako na naipadama natin ang ating sinseridad na maipa-abot sa bawa’t isang Calambeno ang serbisyo ng kanilang pamahalaan.

                Katulad ng Serbisyo Caravan, regular din nating isinasagawa ang MAYOR’S NIGHT sa ating mga barangay.  Simula noong isang taon, 34 na barangay na ang nagkaroon ng Mayor’s Night na karaniwan ay sa bisberas ng kanilang mga fiesta.  Ito ay isang gabi ng kasiyahan na kinapapalooban ng kantahan, sayawan at iba pang palabas na nagbibigay ng kasiyahan sa ating mga kababayan.

                Napapansin siguro ninyo ang pagpapahalagang ibinibigay natin sa ating mga SENIOR CITIZENS na siya nating mga taga-payo at tagapag-pa-alaala.  Bukod sa grocery packs na ibinigay natin sa kanila noong Pasko, binibigyan natin sila ng P500 sa kanilang birthday.  At upang mabigyan naman sila na mapag-lilibangan, mayroon silang LIBRENG sine sa SM  dalawang beses isang buwan.  Ito ay bukod pa sa  financial assistance na ipinagkakaloob natin sa kanila para sa iba’t-ibang kadahilanan.

                Ano pa ang estado ng iba nating programa?

Under no circumstances will we compromise the health of our constituents.  Kasabihan na nga na HEALTH IS WEALTH…ang mabuting kalusugan ay maituturing

 nang kayamanan kung iisipin natin ang laki ng gastos ng isang pamilya kung may magkakasakit.  Dahil dito, isa sa  pinaka-malaking bahagi ng ating budget ay para sa ating mga programang pang-kalusugan…mula sa pagdadalantao ng isang ina, sa panganganak hanggang sa paglaki at pagtanda. 

                                                                                                                                                                                               

Kagaya ng alam ninyo, may Birthing Facilities tayo sa ating Main Health Center sa Brgy. 7 at CUBA Emergency Clinic sa Brgy. Punta.  Simula nang buksan ang mga facilities noong 2012, mayroon nang 945 na sanggol ang ipinanganak doon na nabibigyan ngayon ng iba’t-ibang health services.    Natutuwa akong ibalita sa inyo na pagkatapos nating tuparin ang mga requirements ng Department of Health, nabigyan tayo ng pondo upang ayusin at kumpletuhin ang pasilidad sa dalawang facilities.  Ngayon, nakakapag-bigay tayo ng mas maayos na serbisyo dala ng mas kumpletong pasilidad at kagamitan.  Upang matulungan ang mas maraming kababaihan, ang ating mga midwives na may kaukulang pagsasanay ay tumatanggap na ng Normal Spontaneous Deliveries sa ating mga Health Centers sa Kay-Anlog, Southville, Punta, Lawa, Majada Out, Mayapa at San Cristobal.  Kaalinsabay nito, tuluy-tuloy ang ating immunization program upang mapangalagaan ang mga sanggol laban sa mga sakit, nutrition program upang masiguro na lalaki silang malusog, at mga programa upang maiwasan at mabawasan ang insidente ng tuberculosis, dengue, rabies at iba pang mga sakit.  Ito ay bukod pa sa dental at laboratory services na ibinibigay natin ng LIBRE sa iba’t-ibang sektor ng ating komunidad.

Kamakailan ay dinala natin sa mas mataas na lebel ang ating health services sa pagbuo ng Calamba-Bay-Los Banos o CABALOS Inter-Local Health Zone.  Sa pakikiisa sa Local Governments ng Los Banos at Bay, makakapag-bigay tayo ng tulong medical sa ating mga kalalawigan sa dalawang bayang ito at maibabahagi natin ang biyaya ng mabuting kalusugan sa mas nangangailangan.

                                                                                                                                                                               

Ang sektor ng agrikultura ang isa sa mga naging masigla sa taong ito dala ng marami nating programa upang lalo pang mapabuti ang produksyon ng pagkain.                                                                                                                                                                                  

Gaya ng alam ninyo, mahigit 2 libong hektarya ang ginagamit na agricultural production area sa ating lungsod.  At bagamat dumadami ang industrial area, malaking bahagi pa rin na ating populasyon ay umaasa sa agrikukltura para sa kanilang ikinabubuhay.  Ang pagbibigay natin ng technical assistance sa ating mga magsasaka ay nagbunga ng parangal sa nakaraang Regional Gawad Saka.  Dito ay ginawaran ang ating mga magsasaka bilang Outstanding Young Farmer, Outstanding Farm Family at Outstanding Fisherfolk.  Nabigyan din ng parangal ang dalawa nating Extension Workers na nagpapatupad ng Organic Agriculture sa ating lungsod at malaki ang ating pag-asa na muli silang magtatagumpay sa NATIONAL LEVEL.

Naging mabunga ang pakikipag-ugnayan natin sa Department of Agriculture para mabigyan tayo ng machineries at equipments para sa ating mga magsasaka.  Kamakailan ay dalawang traktora ang naipagkaloob sa atin kung saan isa ay GRANT at ang isa ay 15% lamang ng kabuuang halaga ang babayaran ng City Government.  Bukod dito, nabigyan din tayo ng Cassava Grater na pinakikinabangan ngayon ng 30 kababaihang magsasaka sa Brgy. Burol; Cassava Chipper na ginagamit ng 33 kababaihang magsasaka sa Brgy. Ulango ; Corn Sheller, Hammer Mill at Corn Mill na pinakikinabangan ng 144 kasapi ng Calamba Upland Farmers’ Association. 

                                                                                                                                                                                               

Ang lahat pong ito ay karagdagan sa mga regular nating programa na pamimigay ng mga binhi, fertilizers at pamamahagi ng hayop sa ating mga magsasaka bukod pa sa patuloy nating maintenance ng Yankaw Fish Sanctuary at Bantay Lawa Headquarters.

                Kaugnay sa ating mga programang pang-agrikultura ay ang ating pagsusumikap na bumuo ng mga kooperatiba na magtutulungan upang lumikha ng hanap-buhay. Sa ngayon ay mayroon nang 64 na aktibong kooperatiba sa ating lungsod, kabilang ang mga bagong tatag na nasa mga relocation sites. Binibigyan natin sila ng mga kasanayan sa pamamagitan ng ating mga skills training seminars sa Meat & Fish Processing, pag-gawa ng Beads accessories, atsara at pickled mango, ube balls, gayon din sa pag-gawa ng kandila at pabango.    Sa mga handa nang magsimula ng hanap-buhay ay namahagi tayo ng 51 units ng pedicab sa Parian, Looc, Uwisan, Camp Vicente Lim, Punta, Palingon, Lecheria, Halang, Looc at Barangay V; Foodcarts naman ang ibinigay natin sa mga kooperatiba sa Sampiruhan, Halang, Bagong Kalsada, Sucol, Bunggo, San Juan, Mayapa, Parian, Barangay V at Barangay VII.  Pagkatapos sumailalim sa pagsasanay, nabigyan natin ng 3 units ng Sewing at Edging Machine ang mga babaeng inmates sa BJMP sa Brgy. Turbina. Credit facility naman na mahigit P14 M ang naipagkaloob na natin sa kuwalipikadong indibidual at kooperatiba na naging puhunan sa kanilang hanap-buhay.  Sa pamamagitan ng mga programang ito, naniniwala ako na pinalalakas natin ang espiritu ng pagtutulungan na siyang puso ng kilusang kooperatiba sa ating mga mamamayan.

                                                                                                                                                                               

Isa sa mga programang binibigyan din ng halaga ng ating pamahalaan ay ang ukol sa pabahay na lumalaking suliranin, hindi lamang dito sa ating lungsod, kundi sa buong bansa.  Ayon sa ulat ng ating Housing Department, mahigit 2,000 pamilya na ang ating informal settlers. Ang mga nasa danger zones ay unti-unti nating naililipat sa Calambeno Ville V sa Brgy. Kay Anlog at inaasahan natin na madadagdagan ang 200 bahay na naipatayo na natin doon.  Pagkatapos ng bagong Glenda, nagkaroon ako ng pagkakataong idaing kay Vice President Jejomar Binay ang pangangailangan ng karagdagang bahay sa Southville VI.  Kung natatandaan ninyo, nabigyan tayo ng 1,700 na bahay para sa ating mga nasa danger zones at inaasahan natin na pagbibigyan ng butihing vice president and ating kahilingan para sa karagdagang bahay.  Habang hinihintay natin iyan, ginagawa natin ang lahat para mai-ayos pa ang  siyam (9) na CALAMBENO-VILLE projects sa ating lungsod upang makatupad sa ating mandato ukol sa pagbibigay ng ligtas na pabahay sa mga nangangailangan nito.

Kalsada, pailaw, patubig, paaralan…hindi tumitigil ang inyong pamahalaan upang ang mga basic infrastructure needs na ito ay maibigay natin sa ating mga kababayan.  Malaking ginhawa ang dulot ngayon ng pagpapagawa natin ng Mayapa-Canlubang Road; gayon din ang kalsada sa Brgy. Halang, sa Makiling papuntang Puting Lupa, sa Majada Out, San Jose, Kapayapaan, Paciano at Kay Anlog.  Nakapagpa-ilaw tayo ng may 9 na kilometrong kalsada sa Brgy. Punta, Bubuyan, Kay Anlog, Mayapa at Majada Out. Naniniwala ako na ang mga pagawaing ito ay nagbigay ng ibayong ginhawa sa mga residente, empleyado at negosyateng magdadala ng mga kalakal sa kabayanan at ang pailaw naman ay nakatulong sa pagpapanatili ng seguridad sa ating mga barangay.

                                                                                                                                                                               

Kabilang din sa ating major infrastructure projects ay ang pagpapagawa ng maayos na water system sa ilan nating mga barangay. Mayroon na ngayong mapagkukunan ng malinis na tubig ang mga taga- Kay Anlog, Majada-In at Laguerta.                                                                                                                                                                            

Para naman sa ating mga mag-aaral, natapos din natin ang pagpapagawa ng bagong 3-storey Multi-Purpose Laboratory Building sa Calamba Bayside National High School at 3-storey school buildings sa  San Juan Elementary School, San Ramon at E. Barretto sa Bucal; Makiling, Camp Vicente Lim at Calamba National High School. Kasalukuyan namang tinatapos ang mga bagong gusali sa Calamba Elementary School, Bunggo National High School at Calamba City Science High School.  Hindi dito natatapos ang ating mga programa para sa ating mga mag-aaral.  Batid ang kahalagahan ng edukasyon, tuluy-tuloy po ang pagbibigay natin ng educational assistance sa ating mga kabataan at patuloy tayong nagbibigay ng tulong sa iba’t-ibang gawin ng ating mga paaralan.

Sa tulong ng pribadong sector, ang ating mga programa ukol sa pagbibigay ng hanap-buhay ay ating naipagpapatuloy. Sa isang taong nagdaan, 11,300 ang nabigyan natin ng hanap-buhay sa ating mga Job Fairs.  Sa patuloy na skills registration na isinasagawa ng PESO, madali tayong nakakapag-padala ng applicants sa mga kumpanya kung saan nabibigyan ng priority ang aplikanteng mga taga-Calamba. Dinadala natin ang serbisyo ng ating Employment Office sa mas maraming mamamayan sa paglalagay natin ng Barangay Employment Services Office sa Canlubang at Paciano Rizal. Malapit na ring buksan ang BESO sa Parian at Cluster 1 ng CUBA na binubuo ng Punta, Barandal, Prinza at Batino.

                                                                                                                                                                               

 Pinagsusumikapan natin na ang mahigit 2 libong nagtatapos sa mga kolehiyo at unibersidad dito sa ating lungsod, at ang marami pang Calambenong nagtatapos sa mga paaralan sa labas ng lungsod,  ay mabibigyan natin ng pagkakataon para magkaroon ng hanap-buhay dito sa Calamba, sa mga karatig bayan at maging sa labas ng bansa.               

                                                                                                               

Kaugnay diyan, patuloy natin pinalalawak ang serbisyong ibinibigay ng City College of Calamba.  Ang proyektong ito, na sinimulan ng aking ama, dating Mayor at ngayon ay Congressman Jun Chipeco noong 2006, ay nagbunga na ng 28 Certified Public Accountants,  141 na Professional Teachers, bukod sa may 1,164 na nagtapos sa 7 kurso sa ating kolehiyo.  Ngayon ay binibigyang pansin ang pagpapalakas ng kalidad ng mga guro sa pamamagitan ng mga trainings at pagpapadala sa mga estudyante sa mga seminars upang magabayan sa karerang kanilang pipiliin.

Kamakailan ay lumagda tayo sa isang kasunduan ukol sa preservation at protection ng Mt.Makiling Forest Reserve bilang isa sa mga paraan upang pangalagaan ang ating kapaligiran.  Kaugnay diyan ay ang maintenance ng Buffer Zone sa paligid ng bundok sa pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sector.  Pina-iigting natin ang ating mga programa ukol sa kapaligiran tulad ng Adopt a River Project, Lake Shore Clean-up, pagtupad sa Supreme Court Mandamus ukol sa Manila Bay Clean-up, A tree for Every Calambeno kaugnay sa National Greening Program,  at maraming pang iba.  Alam natin na hindi natin kayang gawin lahat ito nang walang suporta ang pribadong sector kaya nagpapasalamat tayo sa kanila sa kanilang patuloy na pakikiisa at pagtulong sa ating Environmental Programs.                                                                                                                          

Sa larangan naman ng TURISMO….ipinagmamalaki natin ang pagsisimula ng BUHAYANI FESTIVAL sa taong ito, kasabay ng pagdiriwang ng Kaarawan ni Dr. Jose Rizal.  Ang Buhayani ay bunga ng ating hangarin na habang binibigyang pugay ang kabayanihan ni Dr. Jose Rizal, ipinagdiriwang din natin ang buhay ng mga bayani sa kasalukuyang panahon. Ito po ang pinag-ugatan ng BUHAYANI FESTIVAL at pagpili sa mga BUHAYANI AWARDEES na sinimulan natin sa taong ito. Inaasahan natin na magiging daan ang festival na ito upang dumami ang mga turista na dumadalaw sa ating lungsod.  Bukod diyan, nagdaos tayo ng mga programa na patuloy na hahasa sa talino ng Calambeno sa iba’t-ibang larangan ng sining, gayon din sa mga pagsasanay sa iba’t-ibang uri ng sports.

Alam nating lahat ang pinsalang idinulot sa atin ng bagyong Glenda.  Nag-deklara tayo ng State of Calamity dahil sa mahigit 13 libong pamilya na nawalan at nasiraan ng bahay, sa mahigit na P62 milyong halaga ng pananim at hayupan na nawala at nasira, at sa mahigit P14 milyong halaga ng imprastraktura na nasira sa iba’t-ibang barangay.  Base sa survey na isinagawa ng CSSYDO, mahigit P17 M ang ating inilaan para sa mga pamilyang nasiraan at nawalan ng mga bahay.  Sa ngayon, mahigit P7M na ang ating naibahagi at ibibigay natin ang nalalabi pa sa susunod na mga araw.  Gumagawa na rin tayo ng hakbang para matulungan ang sektor ng agrikultura at humingi na tayo ng tulong sa National Disaster Risk Reduction and Management Council para sa karagdagang pondo para maipagawa ang nasirang imprastraktura.  Pero mas mahalaga diyan, inatasan natin ang ating City Disaster Risk Reduction and Management Council na pa-igtingin ang mga gawain ukol sa paghahanda sa mga kalamidad at siguruhin na may sapat tayong gamit at supplies na agarang magagamit sa mga oras na ito.

                                                                                                                                                                               

            Ano pa ang dapat nating asahan sa hinaharap? Bukod sa pagpapatuloy ng kasalukuyang mga programa, aasahan natin ang sumusunod:

Una, hindi magtatagal ay pormal na bubuksan ang REGIONAL GOVERNMENT CENTER.  Aanyayahan natin ang ating Pangulo na maging panauhin sa mahalagang okasyong ito, kasama ang ating Private Partner - ang MTD Phils. at mga government agencies na lilipat sa gusali.  Hindi natin kayang sukatin ang benepisyong dadalhin nito sa ating lungsod, lalo na sa larangan ng hanap-buhay, negosyo at iba pang oportunidad.  Ang alam natin – ito ang katuparan ng isang pangarap na patatagin ang ating reputasyon bilang sentro ng kaunlaran sa ating rehiyon.

Ikalawa, sa paglipat ng mga regional government agencies sa ating lungsod, kailangan natin ang isang lugar na maaaring pagdausan ng mga conventions, conferences at iba pang malalaking events.  Nakalatag na ang plano para sa ipagagawa nating MULTI-PURPOSE CONVENTION CENTER sa The Plaza.  Ito ang kumakatawan sa ating kagustuhang makapag-bigay ng kumpletong pasilidad na magiging isa sa pinaka-malaki sa ating rehiyon.

Natutuwa po akong ibalita sa inyo na malapit nang matapos ang pagpapa-ayos ng BANGA sa ating City Plaza.  Alam kong lahat kayo ay sasang-ayon na isa ito sa pinaka-mahalagang pamana ng mga nauna nating pinunona magpapa-alala sa ating pinag-mulan at sa makulay nating kasaysayan.  Sa pagsasa-ayos ito, magiging mas maaliwalas  ang lugar  at lalong maipapakita ang angking ganda ng plaza na ipinagawa noong 1939 ng dating Mayor Roman Lazaro. 

                                                               

Gusto ko ring ibalita sa inyo na sa lugar na iyon ilalagay ang ating Tourist Information Centerkung saan maaaring ibigay ang mga impormasyon ukol sa ating lungsod at mga lugar na maaaring puntahan ng mga turista.

Nasabi ko sa inyo noong Abril na inaaksyunan natin ang matagal nang reklamo ukol sa masikip na trapiko sa Crossing at iba pang intersections sa ating lungsod.  Gusto kong ibalita sa inyo na malapit na nating buksan ang MILAGROSA-BUCAL BY PASS ROAD. Gayon din, sinisimulan na natin ang EXPROPRIATION PROCEEDINGS para makumpleto natin ang daan sa gagawing REAL-LTO Road.    Sa pagbubukas ng mga kalyeng ito, kasabay ang paglalagay ng mga bagong digital traffic lights, clearing ng mga sidewalks at road-widening projects, alam kong malulutas ang isa sa pinaka-matagal nang problema sa ating lungsod na nagiging balakid sa ating investment promotion.

Kaugnay din sa kagustuhan nating maitaas ang antas ng ating paglilingkod at maka-akit ng karagdagang negosyante kasalukuyan tayong naghahanda para sa pagkakaroon ng QUALITY MANAGEMENT SYSTEM para sa ISO CERTIFICATION.  Kaakibat din ito ng patuloy nating pagsunod sa transparency and accountability program ng gobyerno lalong magpapatibay sa ating mga sistema at pagmumulan ng karagdagang tiwala sa ating pamahalaan.

Kamakailan ay isinagawa natin ang SOFT OPENING ng Banadero Bridge.  Ito ay proyektong sinimulan ng aking ama at ipinagpapatuloy natin ngayon.  Kasama sa ating infrastructure program ang mga proyektong tulad nito na mag-uugnay sa ating mga barangay sa poblasyon.  Alam natin na malaki ang maitutulong nito sa ating mga mangangalakal, sa mga estudyante at manggagawa upang mapadali ang biyahe nila papunta sa kabayanan.                                        

Minamadali na natin ang pagbili ng isang property sa Banadero na pagtatayuan natin ng Evacuation Center.  Dito natin dadalhin ang mga pamilyang kailangang ilikas sa panahon ng bagyo, upang hindi na sila kailangang dalhin sa mga paaralan.  Pinagsusumikapan din natin na permanenteng nang mailipat ang mga kababayan natin sa mga danger zones.  Iyan ay sa pamamagitan ng pagbubukas na iba pang relocation sites at pagtatayo ng mga bahay, sa tulong ng ibang ahensyang ng gobyerno.

At para sa ating mga kawani….upang madama ninyo kung gaano kayo kahalaga sa amin, inumpisahan natin ang SALU-SALO sa inyong mga birthday at may P500 na birthday gift pa.  At ngayon, ilang araw na lang…BER MONTHS NA NAMAN.  Alam ng administrasyong ito ang mahalagang papel na inyong ginagampanan upang mabigyang katuparan ang ating mga programa at proyekto. Sa amin namang bahagi, katulad ng sinabi ko sa inyo noon…ibibigay namin sa inyo ang lahat ng benepisyo na maaari naming ibigay sa ilalim ng ating batas, at sa abot na makakaya ng ating budget.  Alam kong mayroon kayong mga hiniling na hindi namin naibigay sa taong ito…pero sana po ay inyong maunawaan na mayroon tayong kailangang unahin at bigyan ng pansin. Sa pagdating ng panahong ito, umasa po kayo na ako, kasama ang ating Vice Mayor at mga Konsehal, ay ibibigay ang inyong mga benepisyo upang lahat ay maging masaya sa Pasko. 272 years ago, Calamba became an independent town separate from the mother town of Tabuko.  Several Chief Executives who took on different titles served the town and did their share to build and rebuild it at various stages in its history. Today, 272 years later, on our shoulders rest the responsibility to preserve our glorious past and continue the legacy of greatness and bravery our leaders left behind. 

           Katulad ng mga nagdaan nating alkalde, alam ko ang bigat ng responsibilidad na ito. Pero alam ko sa kaibuturan ng aking puso, na sa ating pagtutulungan, hindi tayo lilihis sa daan upang maabot ang  antas ng buhay at kaunlaran na pinangarap nila para sa ating lahat. 

Hayaan ninyong magpasalamat ako sa inyong lahat, una sa inyong tiwala sa inyong maliit na lingkod na pangunahan kayo sa paglalakbay na ito.  Maraming salamat kay Vice Mayor Ross Rizal at sa lahat ng ating mga konsehal dahil sa suportang kanilang ibinibigay sa mga panukala na kailangan ang kanilang pagsang-ayon.  Sa ating mga kapitan at opisyal ng mga barangay, sa pinuno at bumubuo ng mga National Government Agencies na gumagabay sa atin, sa ating mga department heads at lahat ng kawani, sa pribadong sector at sa lahat ng Calambeno – maraming salamat sa inyong lahat.  SA TULONG NINYO, MAGPAPATULOY ANG ATING MGA PROGRAMAUPANG ANG LAHAT AY MAKADAMA NG BIYAYA NG ISANG TAHIMIK, MALUSOG, LIGTAS AT MAUNLAD NA PAMAYANAN.

Marami pong salamat…at Happy Foundation Day po sa ating lahat.

©2015The Official Website of the City of Calamba.All Rights Reserved.                                                                         Developed and maintained by the Information & Communication Technology Division (ICT).